Nilinaw kahapon ng Department of Education (DepEd) na hindi agarang maipatutupad sa susunod na taon ang panukalang “K+12 program” o pagdaragdag ng 2 taon sa kasalukuyang 10 taong basic education sa buong bansa.
Sinabi ni Undersecretary for Programs and Projects Yolanda Quijano na isa lamang ang K+12 program sa tatlong modelong kanilang pinag-aaralan na ipatutupad upang maitaas ang kalidad ng basic education sa bansa. Kabilang sa basic education ang kasalukuyang anim na taong elementarya at 4 na taong high school.
Sa ginawang konsultasyon kamakalawa na dinaluhan ng mga “academicians”, guro, magulang at ilang estudyante sa Deped, nakatakdang plantsahin pa ang mga detalye ng bubuuing bagong kurikulum na maaaring tatagal ng higit pa sa dalawang taon.
Bukod dito, kailangang maresolba rin muna ang problema sa pagkukunan ng dagdag na pondo ng DepEd para sa karagdagang dalawang taon sa kurikulum.
Habang nagsasagawa pa ng dagdag na pag-aaral at konsultasyon, sinabi ni Quijano na marami pa silang mas importanteng dapat asikasuhin tulad ng pagpuno sa kakulangan ng mga guro, silid-aralan, libro at iba pang backlogs sa kagamitan ng sistema ng edukasyon sa buong bansa.
Pilipino Star Ngayon, Ni Danilo Garcia