Sa pangunguna ng Literacy Coordinating Council Secretariat (LCCS), nagsama-sama ang mga kinatawan mula sa mga piling ahensya ng gobyerno para sa isang talakayan na may adhikaing maisapinal ang polisiya na magiging gabay ng mga lungsod o munisipalidad sa pagbuo ng local Literacy Coordinating Council (LCC). Ang nasabing okasyon ay idinaos sa Ion Hotel sa Lungsod ng Baguio noong Nobyembe 22 hanggang 25, 2022.
Ang tatlong araw na pagtitipong ito ay pinalooban ng mga diskusyon at talakayang may layuning makabuo ng panibagong Joint Memorandum Circular (JMC) ng Department of Education (DepEd) at ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Isa rin sa hangarin ng nasabing pagtitipon ang mas maayos pa ang pagrebisa sa manwal na magiging gabay sa mga lokal na pamahalaan para makabuo ng kanilang sariling LCC.
Napakahalaga ng talakayang ito dahil ito’y bahagi ng istratehiya at adbokasiya ng LCC upang mapuksa ang illiteracy sa bansa. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng JMC na pagtitibayin ng DepEd at DILG at gayun din ang manwal sa pagbuo ng local LCC, mas mapaiigting pa ng LCC ang pagtiyak sa pagpapalaganap ng gobyerno ng mga programa nito may kinalaman sa literasiya.
LCC Secretariat