Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nagsagawa ng libreng Webinar sa Korespondensiya Opisyal sa wikang Filipino na ginanap noong 18 Pebrero 2021 mula 8:00nu-4:00nh sa Zoom platform. Ito ay bilang pagtugon sa iniaatas ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335.
Layunin ng seminar na ito ang bigyan ng oryentasyon ang mga pinuno at kawani ng pamahalaan sa paggamit ng wikang Filipino sa mga opisyal na korespondensiya at hikayatin ang mga ahensiya ng pamahalaan na gamitin ang wikang Filipino bílang opisyal na wika ng komunikasyon at korespondensiya sa serbisyo publiko. Lalo na sa panahong ito ng krisis na mahalagang naiintindahan ng mamamayang Filipino ang mga programa at proyekto ng pamahalaan.
Nagbigay ng pambungad na mensahe sina Dr. Arthur P. Casanova, Akting Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, Dr. Alma Ruby C. Torio, Kawaksing Kalihim ng Kurikulum at Instruksiyon mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at Ms. Evelyn Perez, kinatawan ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH).
Ang KWF ay nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang maisalin sa wikang Filipino at wikang katutubo ang mga sumusunod: 1) Bisyon at misyon ng ahensiya o local na yunit ng pamahalaan; 2) Gabay ng Mamamayan (Citizen’s Charter); 3) Ilang proseso at karatula na maggagabay sa mga kliyente; 4) Pangalan ng mga tanggapan at sangay ng opisina; 5) Kalatas, poster, brochure at mga katulad na materyales at iba pa upang maunawaan ng ating mga kababayan na nabibilang sa laylayan ng ating lipunan.
Ang nasabing webinar ay dinaluhan ng mga opisyal at kawani mula sa Kagawaran ng Edukasyon at Kagawaran ng Kalusugan. Kaisa ang Literacy Coordinating Council sa layuning ito ng KWF upang payabungin pa ang paggamit ng wikang Filipino sa serbisyo publiko.
Czarina Abellonar