Sa ika-154 na pagpupulong ng Literacy Coordinating Council (LCC), idiniin ng Philippine Information Agency (PIA) ang kahalagahan ng pagpapaigting ng adbokasiya ng literacy sa bansa. Inilatag ni Director General Jose A. Torres, Jr. ang mga hakbangin ng PIA upang tiyakin na maisasagawa ang mga natukoy na plano ng LCC sa pagpapalaganap ng kamalayan ng mga mamamayan tungkol sa kahalagahan ng pagpapaunlad ng literacy. Binanggit ni DG Torres sa kaniyang presentasyon ang mga naisakatuparan ng kanilang ahensya kabilang na ang papel na ginampanan nito sa pagbuo ng LCC Communication Plan, social media cards, video at radio commercials, kasama na ang media guesting ng LCC Secretariat sa mga Regional Kapihan ng PIA at sa iba pang partner media networks. Kasama rin sa kaniyang ibinahagi ang mga inisyatibong isasakatuparan pa ng PIA sa hinaharap. “Katuwang ang PIA sa pagsusulong ng adbokasiya ng LCC na Literacy for All,” pahayag ni DG Torres.
Ang ika-154 na pagpupulong ng konseho ay pinangunahan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Z. Duterte, Chairperson din ng LCC. Ito ay ginanap noong Agosto 3, 2023 sa pamamagitan ng Zoom video conference. Kabilang sa mga dumalo sa nasabing pulong ay ang mga miyembro at kinatawan ng LCC na sina Congressman Roman T. Romulo ng House of Representatives Committee on Basic Education and Culture, Dr. Bert J. Tuga ng Philippine Normal University (PNU), Prof. Flora C. Arellano ng E-Net Philippines, Director-General Jose A. Torres, Jr. ng Philippine Information Agency (PIA), at Director Girlie Grace J. Casimiro-Igtiben ng National Economic and Development Authority (NEDA). Kasama ring nakilahok sa miting na ito sina Assistant Secretary (ASec) Sunshine Charry A. Fajarda at ASec G.H. S. Ambat ng DepEd, Assistant National Statistician Adrian A. Cerezo ng Philippine Statistics Authority (PSA), at iba pang panauhin na katuwang ng LCC.
Kabilang din sa mga natalakay sa naturang meeting ang pagrerepaso ng Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS) ng PSA, pagbuo ng Literacy Journal katulong ang PNU, nominasyon para sa magiging bagong NGO member ng LCC, at iba pang mahahalagang paksa.