Sa pangunguna ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Z. Duterte na siya ring Chairperson ng Literacy Coordinating Council (LCC), ginanap ang ika-153 na pagpupulong ng konseho noong Pebrero 2, 2023 sa pamamagitan ng Zoom video conference.
Kabilang sa mga tinalakay sa nasabing pagpupulong ang mga detalye na nagtatampok sa mga programa at gawaing ipatutupad ng LCC sa taong 2023, tulad ng mga update tungkol sa LCC localization, pagrerepaso ng Functional Literacy, Education and Mass Media Survey o FLEMMS, at iba pang mahahalagang paksa tungkol sa literasiya.
Ang nasabing pagpupulong ay dinaluhan ng mga miyembro at kinatawan ng LCC na sina Congressman Roman Romulo ng House of Representatives, Dr. Bert Tuga ng Philippine Normal University (PNU), Undersecretary Gina Gonong ng DepEd, Prof. Flora Arellano ng E-Net Philippines, Director Anna Liza Bonagua ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Assistant Director Edgardo Aranjuez ng National Economic and Development Authority (NEDA), Atty. Joseph Llames ng Philippine Information Agency (PIA), at Atty. Katryn Cadiente na kumatawan kay Senator Sherwin Gatchalian ng Senado. Kasamang nakibahagi sa miting na ito sina Assistant Secretary G.H. S. Ambat at Assistant Secretary Alma Ruby Torio ng DepEd Curriculum and Teaching strand, Assistant National Statistician Wilma Guillen ng Philippine Statistics Authority (PSA), at iba pang mga panauhin mula sa ahensyang kasapi ng LCC.
Sa isang bahagi ng pulong, masayang ibinalita ni Representative Romulo ang may kaugnayan sa pagsasapinal ng panukalang batas sa pagtatatag ng National Literacy Council sa ikatlong pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso sa pagitan ng Pebrero at Marso nitong taon.
Samantala, idiniin naman ni Dr. Tuga ng PNU ang kahalagahan ng papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapaigting ng literasiya ng mga pamilya, partikular na ang mga kabataan na nagbalik-loob sa pamahalaan at kasalukuyang naninirahan sa mga relocation area. Bilang tugon, nangako ang pamunuan ng DILG na pagtutuunan nila ito ng pansin bilang kasapi ng resettlement government na handang magbigay ng serbisyo sa publiko.
Sinagot naman ni Assistant National Statistician Guillen ng PSA ang ilan sa mga katanungan sa pagrerepaso ng FLEMMS. Aniya, may mga hamon ang ahensya sa badyet para sa pagsasaliksik. Kasunod nito, nagpahayag ng suporta si Congressman Romulo katulong ang Senado upang matugunan ang pangangailangang ito.
Taos-pusong nagpapasalamat ang LCC Secretariat sa lahat ng nagpangyaring maging matagumpay ang pagpupulong na ito na ang layunin ay mapaunlad ang literasiya ng mga Pilipino.
LCC Secretariat